"KUMIKITANG MAGKAKAMBING"
Angie Mendoza
Magandang umaga po sa inyong lahat. Ako po si Angie Mendoza ng Tarlac City. Nagagalak po akong humarap sa inyo at maipamahagi ang aking konting kaalaman sa pag-aalaga ng kambing sa loob ng 3 taon.
Noong taong 1999 ay nakabili kami ng 3 ½ hectaryang lupa sa bulubunduking parte ng Tarlac. Ang balak naming gawin doon ay isang maggahan. Ngunit pagkatapos naming naitanim ang mga seedling ng mga mangga nainip kami. Napag-isipan namin na napakatagal pa palang panahon ang hihintayin bago mamunga at mapakinabangan ang mga ito. Habang naghahanap kami ng ibang pangkabuhayan sa manggahan para namang sinadya ng pagkakataon, napadalaw sa amin si Father Giovanni isa naming kaibigang pari. Sa aming pagkwekwentuhan nabanggit niya na ang pinakapractical na gawin namin sa farm habang hinihintay naming mamunga ang mga mangga ay mag-alaga ng mga kambing. Wala daw gastos ang mga ito dahil hindi gaanong maseselan at ang pagkain nila ay damo lamang.
Kaya nang mag-umpisa ang taong 2001, nagsimula na kaming mamili ng kambing. Ang initial stock namin ay isang AngloNubian na babae at isang AngloNubian na lalake na nabili naming kay Mr. Rodenel Ong ng San Jose City. Pagkatapos noon nakakuha din kami ng kambing na purebreed sa Selecta sa Novaliches. Nakarating pa kami sa ibat-iba at napakalayong mga lugar sa kakahanap namin ng magagandang at malalaking kambing. At noong mga panahong iyon, makakita lang kami ng kambing sa daan ay tumitigil kami at minamasdan ang kambing at kung maganda pinagtatanong kung binebenta. Marami kaming nabiling kambing sa ganitong paraan.
Nito namang nakalipas na taon nakaragdag sa mga breeder namin ang nabili naming KIKO goat na nangaling sa TEXAS, mga BOER na inimport namin mula AUSTRALIA at mga ANGLONUBIAN na nangaling sa Mindanao Baptist ng Davao.
Ang mga napansin naming mga problema sa pagbibili ng mga kambing kung saan saan ay iyong mga sakit na pink-eye, pagtatae at pag-ubo.. Napakabilis pa naman kumalat ang mga ito. Ang isa pa ay ang sunodsunod na pagkamatay ng mga kambing pagkalipas ng ilang araw na dahil sa bulate sa katawan. Dahil dito natuto kami na purgahin at hiwalay sa kawan o quarantine ang lahat ng bagong dating .
Sa kasalukuyan ang mga kambing po namin ay bumibilang na humigit kumulan sa 263 piraso. Karamihan sa mga ito ay mga upgrade na inahin na binili namin at iyong iba naman ay mga paanak na namin.
Mga 180 ay mga upgrade na inahin kasama and kanilang mga guya. Ito ang mga nasa bulubunduking lupa ng Burgos, Tarlac.
Iyong namang 42 piraso na mga purebred Boer at Anglonubian ay nasa San Rafael farm na katabi ng bahay namin.
At iyong 41 piraso ay mga upgraded na barako na nakahiwalay sa isa pang farm sa Batang-batang, Tarlac. Ito ay isang palayan.
Meron din kaming 7 St. Croix upgraded tupa na ginagamit naming pang alis ng damo sa ilalim ng mga mangga.
Nang ganapin ang 1st SR Congress noong May 24-25, 2001 ay 23 pa lang ang mga kambing namin noon. Ngunit dahil sa pagdalo namin sa pagtitipon na iyon, naragdagan ang aming kaalaman, marami and aminmga nakilala, at nagkaroon po kami ng linkage sa mga pribado at government resources. Masasabi ko na ang SR CONGRESS na iyon ang siyang nagbunsod sa amin na ipagpatuloy, palakihin at palawakin ang aming negosyong pagkakambing.
Magbuhat noon, naging madalas na ang paghingi namin ng tulong at technical assistance sa mga sangay ng gobyerno kagaya ng BAI, LDC, CLSU, at PCARRD. Nakapag avail kami ng barako sa BAI. Nakinabang din kami sa kanilang field trial Artificial Insemination Program.
Sa CLSU Goat Project naman po kami lumalapit at tumatawag kung aming mga kambing ay may mga sakit. Ang isang karanasang di naming makakalimutan ay noong minsan may nanganganak kaming kambing na hindi mailabas ang guya. Nataranta na kami at di na namin alam ang gagawin. Mabuti na lang at nacontact ko si Dr. Emil Cruz sa kaniyang cellphone. Tinuruan niya kami step by step kung ano ang gagawin sa oras na iyon kung paano dukutin at hilahin iyong guya. Nailabas po namin yung anak at nabuhay iyong inahin salamat sa long distance consultation na iyon.
Ang isa pang sangay ng gobyerno na nagmamalasakit sa atin ay ang LDC sa pamumuno ni Dir. Pete Ocampo. Sila po ang nagbigay daan para maprinsinta natin kay Sec. Luisito Lorenzo ang Road Map of the Goat Industry kung saan naipasaloob ang ating mga hinaing at kahilingan para maging kapakipakinabang sa ating lahat ang industria ng pagkakambing. Sila rin po and nagorganize nitong congress natin .
Lastly but not the least, ang PCARRD sa pamamagitan ng kanilang soil expert ay tuturuan at tutulungan kaming makapagtanim ng ibat-ibang klase ng damo at legumes sa pula at madikit na lupa nitong darating na tag-ulan |